Click the podcast you want to play.
Cesar Montano
"Simoun" mula sa El Filibusterismo
Leo Martinez
Mi Ultimo Adios
Kara David
Sulat sa mga Kababayang Dalaga ng Malolos
Oscar Oida
Sulat ni Rizal sa kanyang pamilya
Leo Martinez performs
"Mi Ultimo Adios"
Noong ika-29 ng Disyembre 1896, isang araw bago binaril si Rizal, binisita siya ng kanyang ina at kapatid na si Trinidad sa kulungan. Binigyan ni Rizal si Trinidad ng lampara at sinabi niya rito na may isinilid siya sa loob. Matapos mabaril si Rizal, binuksan ng kanyang pamilya ang lampara at doon nila nakita ang isang tulang isinulat ni Rizal na ngayon ay kilala natin bilang "Mi Ultimo Adios."
Kara David performs
"Sulat sa mga Kababayang Dalaga ng Malolos"
Noong 1889, sumulat si Rizal ng isang liham para sa isang grupo ng mga dalaga mula sa Malolos, Bulacan, na noo'y naging tanyag sa buong mundo nang maghain sila ng petisyon kay Gobernador Heneral Valeriano Weyler para sila'y makapag-aral sa isang "night school" - isang bagay na tinututulan ng mga prayle. Sa liham, pinuri ni Rizal ang katapangan ng mga babae at sinabi niya rito na ang edukasyon para sa mga kababaihan ay isang paraan ng pagpapalaya ng Pilipinas.
Cesar Montano performs
"Simoun" mula sa El Filibusterismo
Ang mga linyang ito, na pinili ng manunulat at guro na si J.I.E. Teodoro, ay halaw sa kabanatang "Simoun" mula sa nobelang El Filibusterismo. Ayon kay Teodoro, sa kabanatang ito'y binalaan ni Simoun si Basilio tungkol sa masamang idudulot ng Hispanisasyon, na noo'y ninanais ng mga batang mag-aaral. "Simoun, the alter-ego of the disillusioned Rizal, talks about colonial mentality and the threats posed by a foreign language and culture in poisoning the mind and soul of our people," ani Teodoro.
Oscar Oida performs
"Buhat kay Rizal para sa kanyang mga magulang at mga kapatid."
Kilala si Rizal bilang magaling na intelektwal, pero sa isang liham na ipinadala niya sa kanyang pamilya noong 1884 habang siya ay nasa Espanya, naipakita ang isang Rizal na tila'y nangungulila dahil sa kanyang pagkawalay sa pamilya. Noong Nobyembre 1884, katatapos lamang ni Rizal na mag-aral ng pagdodoktor at pilosopiya mula sa Universidad Central de Madrid. Noong mga panahong iyon, pinagkakasya ni Rizal ang perang ipinadadala ng kanyang pamilya para sa kanyang pagkain at matrikula.
Chapter 7: "Simoun" from El Filibusterismo
Ay! Ang kabataang lagi nang mapangarapin at kapos sa karanasan, lagi nang humahabol sa mga paruparo at bulaklak!

Nagsasama-sama kayo upang sa pamamagitan ng inyong lakas ay maitali ninyo sa Espanya ang inyong bayan sa pamamagitan ng kuwintas na rosas.

Samantalang sa katotohanan, tanikalang higit na matigas kaysa brilyante ang inyong pinapanday!

Humihiling kayo ng pagkakapantay sa batas, Espanyolisasyon ng inyong mga kaugalian, at hindi ninyo nakikitang ang hinihiling ninyo ay ang inyong kamatayan, ang kapariwaraan ng inyong pagkabansa, ang pagkapawi ng inyong bayan, ang pagpapabanal sa kalupitan!

Magiging ano kayo sa hinaharap? Isang bayang walang katangian, isang nasyong walang kalayaan.

Pawang hiram ang lahat ng inyo, maging ang inyong mga kasiraan.

Humihiling kayo ng Espanyolisasyon at hindi kayo namumutla sa kahihiyan kapag ipinagkakait ito sa inyo!

At sakali mang ibigay ito sa inyo, ano ang hangad ninyo? Ano ang mapapala ninyo?

Mapalad nang maging bayan kayo ng mga pag-aalsa, bayan ng mga digmaang sibil, republika ng mga mangungulimbat at walang kasiyahan tulad ng ilang republika sa Timog Amerika!

Ano’t naghahangad kayo ngayon ng pagtuturo ng Kastila? Isang pagpapanggap na katawa-tawa kung di man kalunos-lunos ang ibubunga.

Nais pa ba ninyong magdagdag ng isang wika sa mahigit na apatnapung sinasalita sa kapuluan upang lalo kayong hindi magkakaunawaan?
Paalam na, sintang lupang tinubuan, Bayang masagana sa init ng araw, Edeng maligaya sa ami’y pumanaw At perlas ng dagat sa dakong Silangan. Inihahandog ko ng ganap na tuwa Sa iyo yaring buhay na lanta na’t aba; Naging dakila ma’y iaalay rin nga Kung dahil sa iyong ikatitimawa. Ang nanga sa digmaan dumog sa paglaban Handog din sa iyo ang kanilang buhay, Hirap ay di pansin at di gunamgunam Ang pagkaparool o pagtagumpay. Bibitaya’t madlang mabangis na sakit O pakikibakang lubhang mapanganib, Pawang titiisin kung ito ang nais Ng baya’t tahanang pinakaiibig. Ako’y mamamatay ngayong minamalas Ang kulay ng langit na nanganganinag Ibinababalang araw ay sisikat Sa kabila niyang mapanglaw na ulap. Kung dugo ang iyong kinakailangan Sa ikadidilag ng iyong pagsilang, Dugo ko’y ibubo’t sa isa man lamang Nang gumigiti mong sinag ay kuminang. Ang mga nasa ko, mulang magkaisip, Magpahanggang ngayon maganap ang bait, Ang ikaw’y makitnag hiyas na marikit Ng dagat Silangan na nakaliligid. Noo mo’y maningning at sa mga mata Mapait na luha bakas ma’y wala na, Wala ka ng poot, wala ng balisa, Walang kadungua’t munti mang pangamba, Sa sandaling buhay maalab kong nais Ang kagalingan mo’t ang paiwang sulit Ng kaluluwa kong gayak ng aalis: Ginhawa’y kamtan mo! Anong pagkarikit! Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang, Mamatay at upang mabigyan kang buihay, Malibing sa lupang puspos ng karika’t Sa silong ng iyong langit ay mahimlay. Kung sa ibang araw ikaw’y may mapansin Nipot na bulaklak sa aba kong libing, Sa gitna ng mga damong masisinsin, Hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin. Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis, Mataos na taghoy ng may sintang sibsib, Bayang tumaggap noo ko ng init, Na natatabunan ng lupang malamig. Bayan mong ako’y malasin ng buwan Sa liwang niyang hilano’t malamlam; Bayan ihatid sa aking liwayway Ang banaang niyang dagling napaparam. Bayaang humalik ang simoy ng hangin; Bayaang sa huning masaya’y awitin Ng darapong ibon sa kurus ng libing Ang buhay payapang ikinaaaliw. Bayaang ang araw na lubhang maningas Pawiin ang ulan, gawing pawang ulap, Maging panganuring sa langit umakyat, At ang aking daing ay mapakilangkap. Bayaang ang aking maagang pagpanw, Itangis ng isnag lubos na nagmamahal; Kung may umalala sa akin ng dasal, Ako’y iyo sanang idalangin naman. Idalangin mo rin ang di nagkapalad, Na nangamatay na’t yaong nanganhirap sa daming pasakit, at ang lumalangap naming mga ina luhang masaklap. Idalangin sampo ng bawa’t ulila at nangapipiit na tigib ng dusa; idalangin mo ring ikaw’y matubos na sa pagkaaping laong binata. Kung nababalot na ang mga libingan Ng sapot na itim ng gabing mapanglaw, at wala ng tanod kundi pawing patay, huwang gambalain ang katahimikan. Pagpitagan mo ang hiwagang lihim, at mapapakinggan ang tinig marahil, ng isang saltero: Ito nga’y ako ring inaawitanka ng aking paggiliw. Kung ang libingan kong limot na ang madla ay wala nang kurus at bato mang tanda sa nangangabubukid ay ipaubayang bungkali’t isabog ang natipong lupa. Ang mga abo ko’y bago pailanglang mauwi sa wala na pinaggalingan, ay makalt munag parang kapupunanng iyong alabok sa lupang tuntungan. Sa gayo’y walaa ng anoman sa akin, na limutin mo ma’t aking lilibutin ang himpapawid mo kaparanga’t hangin at ako sa iyo’y magiging taginting. Bango, tinig, higing, awit na masaya liwanag aat kulay na lugod ng mata’t uulit-ulitin sa tuwi-tuwina. Ako’y yayao na sa bayang payapa, na walang alipi’t punoing mapang-aba, doo’y di nanatay ang paniniwala at ang naghahari Diyos na dakila. Paalam anak, magulang, kapatid, bahagi ng puso’t unang nakaniig, ipagpasalamat ang aking pag-alis sa buhay na itong lagi ng ligalig. Paalam na liyag, tanging kaulayaw, taga ibang lupang aking katuwaan, paaalam sa inyo, mga minamahal; mamatay ay ganap na katahimikan.
Sa mga kababayang dalaga ng Malolos Nang aking sulatin ang Noli Me Tangere, tinanong kong laon, kung ang pusuang dalaga'y karaniwan kaya diyan sa ating bayan. Matay ko mang sinaliksik yaring alaala; matay ko mang pinagisa-ngisa ang lahat ñg dalagang makilala sapul sa pagkabatá, ay mañgisa-ñgisa lamang ang sumaguing larawang aking ninanasá. Tunay at labis ang matamis na loob, ang magandang ugalí, ang binibining anyó, ang mahinhing asal; ñgunit ang lahat na ito'y laguing nahahaluan ñg lubos na pagsuyó at pagsunod sa balang sabi ó hiling nang nagñgañgalang amang kalulua (tila baga ang kaluluwa'y may iba pang ama sa Dios,) dala ñg malabis na kabaitan, kababaan ñg loob ó kamangmañgan kayá: anaki'y mga lantang halaman, sibul at laki sa dilim; mamulaklak ma'y walang bañgo, magbuñga ma'y walang katas. Ñguní at ñgayong dumating ang balitang sa inyong bayang Malolos napagkilala kong ako'y namalí, at ang tuá ko'y labis. Dí sukat ako sisihin, dí ko kilala ang Malolos, ni ang mga dalaga,liban sa isang Emilia, at ito pa'y sa ñgalan lamang. Ñgayong tumugon kayo sa uhaw naming sigaw ñg ikagagaling ñg bayan; ñgayong nagpakita kayo ñg mabuting halimbawa sa kapuá dalagang nagnanasang paris ninyong mamulat ang mata at mahañgo sa pagkalugamí, sumisigla ang aming pag-asa, inaaglahì ang sakuná, sa pagka at kayo'y katulong na namin, panatag ang loob sapagtatagumpay. Ang babaing tagalog ay di na payukó at luhod, buhay na ang pagasa sa panahong sasapit; walá na ang inang katulong sa pagbulag sa anak na palalakhin sa alipustá at pagayop. Di na unang karunuñgan ang patuñgó ñg ulo sa balang maling utos, dakilang kabaitan ang ñgisi sa pagmura, masayang pangaliw ang mababang luhá. Napagkilala din ninyo na ang utos ñg Dios ay iba sa utos ñg Parí, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod, mahabang dasal, malalaking kuentas, libaguing kalmin, kundí ang mabuting asal, malinis na loob at matuid na isip. Napagkilala din ninyo na dí kabaitan ang pagkamasunurin sa ano mang pita at hiling ñg nagdidiosdiosan, kundi ang pagsunod sa katampata't matuid, sapagka't ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ñg likong paguutos, at sa bagay na ito'y pawang nagkakasala. Dí masasabi ñg punó ó parí na sila lamang ang mananagot ñg maling utos; binigyan ñg Dios ang bawat isa ñg sariling isip at sariling loob, upang ding mapagkilala ang likó at tapat; paraparang inianak ñg walang tanikalá, kundí malayá, at sa loob at kalulua'y walang makasusupil, bakit kayá ipaaalipin mo sa iba ang marañgal at malayang pagiisip? Duag at malí ang akalá na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at kapalaluan ang mag isipisip at magnilay nilay. Ang kamangmañgan'y, kamangmañgan at dí kabaita't puri. Di hiling ñg Dios, punó ñg kataruñgan, na ang taong larawan niya'y paulol at pabulag ... Ugaling panagot ng mga may ibig mang ulol, ay: palaló ang katiwalá sa sariling bait; sa akalá ko ay lalong palaló ang ibig sumupil ng bait ng iba, at papanatilihin sa lahat ang sarili. Lalong palaló ang nagdidiosdiosan, ang ibig tumarok ng balang kilos ng isip ng DIOS; at sakdal kapalaluan ó kataksilan ang walang gawá kundí pagbintañgan ang Dios ng balang bukang bibig at ilipat sa kanya ang balá niyang nasá, at ang sariling kaaway ay gawing kaaway ng Dios. Dí dapat naman tayong umasa sa sarili lamang; kundí magtanong,makinig sa iba, at saka gawain ang inaakalang lalong matuid; ang habito ó sutana'y walang naidaragdag sa dunong ng tao ... Ano kaya ang magiging supling ng babaing walang kabanalan kundí ang magbubulong ng dasal, walang karunuñgan kungdí awit, novena at milagrong pangulol sa tao, walang libañgang iba sa panguingue ó magkumpisal kayá ng malimit ng muli't muling kasalanan? Ano ang magiging anak kundí sakristan, bataan ng cura ó magsasabong? Gawá ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwalá ng kanilang masintahing pusó, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang mga anak ay mapakagaling. Ang kagulañga'y buñga ñg pagkabatá at ang pagkabata'y nasa kanduñgan ñg ina. Ang inang walang maituturó kundí ang lumuhod humalik ñg kamay, huwag magantay ng anak ng iba sa duñgó ó alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak, daluro ó pagatpat ó pangatong lamang; at kung sakalí't may batang may pusong pangahas, ang kapangahasa'y tagó at gagamitin sa samá, paris ng silaw na kabag na dí makapakita kundí pag tatakip silim. Karaniwang panagot ang una'y kabanalan at pagsinta sa Dios. Ñguní at ano ang kabanalang itinuró sa atin? Magdasal at lumuhod ng matagal, humalik ng kamay sa parí, ubusin ang salapí sa simbahan at paniwalaan ang balang masumpuñgang sabihin sa atin? ... Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuid, anoman ang mangyari. "Gawá at hindí salitá ang hiling ko sa inyo" ani Cristo; "hindí anak ni ama ang nagsasabing ulit-ulit ama ko, ama ko, kundí ang nabubuhay alinsunod sa hiling ñg aking ama." Ang kabanalan ay walá sa pulpol na ilong, at ang kahalili ni Cristo'y di kilala sa halikang kamay. ... Maghunos dilí ngá tayo at imulat natin ang mata, lalong laló na kayong mga babai, sa pagka't kayo ang nagbubukas ng loob ng tao. Isipin na ang mabuting ina ay iba, sa inang linalang ng fraile; dapat palakhin ang anak na malapit baga sa larawan ng tunay na Dios, Dios na dí nasusuhulan, Dios na dí masakim sa salapí, Dios na ama ng lahat, na walang kinikilingan, Dios na dí tumatabá sa dugó ng mahirap, na dí nagsasaya sa daing ng naruruhagi, at nangbubulag ng matalinong isip. Gisingin at ihandá ang loob ng anak sa balang mabuti at mahusay na akalá: pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pagiisip, malinis na asal, maginoong kilos, pagibig sa kapuá, at pagpipitagan sa Maykapal, ito ang ituró sa anak. At dahil ang buhay ay punó ng pighatí at sakuná, patibayin ang loob sa ano mang hirap, patapañgin ang pusó sa ano mang pañganib. Huag mag antay ang bayan ng puri at ginhawa, samantalang likó ang pagpapalaki sa batá, samantalang lugamí at mangmang ang babaing magpapalaki ñg anak. Walang maiinom sa labó at mapait na bukal; walang matamis na buñga sa punlang maasim. Malaki ngang hindí bahagyá ang katungkulang gaganapin ng babai sa pagkabihis ng hirap ng bayan, nguni at ang lahat na ito'y dí hihigit sa lakas at loob ng babaing Tagalog. Talastas ng lahat ang kapanyarihan at galing ng babayi sa Filipinas, kayá ñgá kanilang binulag, iginapus, at iniyukó ang loob, panatag sila't habang ang iba'y alipin, ay ma-aalipin din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugamí ng Asia; ang babayi sa Asia'y mangmang at alipin. Makapangyarihan ang Europa at Amerika dahil duo'y ang mga babai'y malaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob. Alam na kapus kayong totoo ñg mga librong sukat pagaralan; talastas na walang isinisilid araw araw sa inyong pagiisip kundí ang sadyang pang bulag sa inyong bukal na liwanag; tantó ang lahat na ito, kayá pinagsisikapan naming makaabot sa inyo ang ilaw na sumisilang sa kapuá ninyo babayi; dito sa Europa kung hindí kayamutan itong ilang sabi, at pagdamutang basahin, marahil ay makapal man ang ulap na nakakubkob sa ating bayan, ay pipilitin ding mataos ñg masantin na sikat ñg araw, at sisikat kahit banaag lamang ... Dí kami manglulumo kapag kayo'y katulong namin; tutulong ang Dios sa pagpawí ñg ulap, palibhasa'y siya ang Dios ñg katotohanan; at isasaulí sa dati ang dilag ñg babaying Tagalog, na walang kakulañgan kundí isang malayang sariling isip, sapagka't sa kabaita'y labis. Ito ang nasang lagì sa panimdim, na napapanaginip, ang karañgalan ñg babaying kabiak ñg pusó at karamay sa tuá ó hirap ñg buhay: kung dalaga, ay sintahin ñg binatá, di lamang dahilan sa ganda ó tamis ñg asal, kundí naman sa tibay ñg pusó, taas ñg loob, na makabuhay baga at makapanghinapang sa mahiná ó maruruwagang lalaki, ó makapukaw kayá ñg madidilag na pagiisip, pag isang dalaga bagang sukat ipagmalaki ñg bayan, pagpitaganan ñg iba, sapagka at karaniwang sabi sabi ñg mga kastilá at pari na nangagaling diyan ang karupukan at kamangmañgan ñg babaying tagalog, na tila baga ang mali ñg ilan ay malí na nang lahat, at anaki'y sa ibang lupá ay walá, ñg babaing marupok ang loob, at kung sabagay maraming maisusurot sa mata ñg ibang babai ang babaying Tagalog... ... Malayó ako sa, pagpapasampalataya, pag didiosdiosan, paghalili kayá sa Dios, paghahangad na paniwalaa't pakingang pikit-mata, yukó ang ulo at halukipkip ang kamay; ñguni't ang hiling ko'y magisip, mag mulaymulay ang lahat, usigin at salain kung sakalí sa ngalan ng katuiran itong pinaninindigang mga sabi: Ang una-una. "Ang ipinagiging taksil ñg ilan ay nasa kaduagan at kapabayaan ñg iba." Ang ikalawa. Ang iniaalipustá ng isa ay nasa kulang ñg pagmamahal sa sarili at nasa labis ñg pagkasilaw sa umaalipustá. Ang ikatlo. Ang kamangmañga'y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na taga sunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa talí. Ang ikaapat. Ang ibig magtagó ñg sarili, ay tumulong sa ibang magtagó ñg kanila, sapagkat kung pabayaan mo ang inyong kapuá ay pababayaan ka rin naman; ang isa isang tingting ay madaling baliin, ñguní at mahirap baliin ang isang bigkis na walis. Ang ika-lima. Kung ang babaing tagalog ay dí magbabago, ay hindí dapat magpalaki ñg anak, kungdí gawing pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagka't kung dili'y ipag kakanulong walang malay, asawa, anak, bayan at lahat. Ang ika-anim. Ang tao'y inianak na paris-paris hubad at walang talí. Dí nilalang ñg Dios upang maalipin, dí binigyan ñg isip para pabulag, at dí hiniyasan ñg katuiran at ñg maulol ñg iba. Hindí kapalaluan ang dí pagsamba sa kapuá tao, ang pagpapaliwanag ñg isip at paggamit ñg matuid sa anomang bagay. Ang palalo'y ang napasasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig paniigin ang kanyang ibig sa matuid at katampatan. Ang ika-pito. Liniñgin ninyong magaling kung ano ang religiong itinuturó sa atin. Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Dios ó ang pangaral ni Cristong panglunas sa hirap ñg mahirap, pangaliw sa dusa ñg nagdudusa. Alalahanin ninyo ang lahat ñg sa inyo'y itinuturó, ang pinapatuñguhan ñg lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, novena, kuintas, kalmen, larawan, milagro, kandilá, corea at iba't iba pang iginigiit, inihihiyaw at isinusurot araw-araw sa inyong loob, taiñga, at mata, at hanapin ninyo ang puno at dulo at saka iparis ninyo ang religiong sa malinis na religion ni Cristo, at tingnan kung hindí ang inyong pagkakristiano ay paris ng inaalagang gatasang hayop, ó paris ng pinatatabang baboy kayá, na dí pinatatabá alang alang sa pagmamahal sa kaniya, kundí maipagbili ng lalong mahal at ng lalong masalapian. Magbulay-bulay tayo, malasin ang ating kalagayan, at tayo'y mag isip isip. Kung itong ilang buhaghag na sabi'y makatutulong sa ibinigay sa inyong bait, upang ding maituloy ang nasimulan ninyong paglakad. "Tubó ko'y dakilá sa puhunang pagod" at mamatamisin ang ano mang mangyari, ugaling upa sa sino mang mañgahas sa ating bayan magsabi ng tunay. Matupad nawá ang inyong nasang matuto at harí na ñgang sa halaman ñg karunuñgan ay huwag makapitas ñg buñgang bubut, kundí ang kikitili'y piliin, pagisipin muná, lasapin bago lunukin, sapagka't sa balat ñg lupá lahat ay haluan, at di bihirang magtanim ang kaaway ng damong pansirá, kasama sa binhí sa gitná ñg linang. Ito ang matindin nasá ñg inyong kababayang si… JOSÉ RIZAL Europa, 1889.
Pizzaro, Madrid Nobyembre 26, 1884 Minamahal kong mga magulang at mga kapatid: Sa sinundang sulat ko nang ika-19 ay ipinahayag ko sa inyo ang pagnanasa kong umuwi sa lalong madaling panahon, dahil sa napagwari-wari ko ang tayo ng ating kabuhayan at nang mapagaan ang anumang maaaring mangyari. Inuulit ko ngayon ang nasang iyon, at inuulit ko rito, sakaling ang sulat ay nawaglit, na ibig kong umuwi sa lalong madaling panahon sa bayang iyan upang makibahagi sa mga gawain sa buhay, sapagka't mahaba nang panahon ang pinaraan ko sa paggugugol nang hindi naman kumikita ng anuman. Salamat sa Diyos at natapos ko na ang karera upang maging manggagamot. Ang pagdodoktor ay hindi ko na pakikinabangang lubos ngayon, sa dahilang bagama't iyo'y magagamit ko upang maging propesor ay naniniwala akong hindi ako hihirangin kailanmang propesor sa Pamantasan ng Santo Tomas. Iyon din ang sinasabi ko tungkol sa Pilosopiya at Letras na maaari ring panghawakan upang magpropesor, datapuwa't nag-aalinlangan ako kung iyo'y ipagkakaloob sa akin ng mga paring Dominiko. Tangi sa rito'y may mabibigat na mga pangyayaring nasaksihan dito at aking isasaysay sa inyo ngayon din. Dahil dito'y inaakala kong sa pamamagitan ng aking napag-aralan, ng aking karera, sampu ng isang maikling paglalakbay sa Inglatera at Italya, na maaaring gawin ko, sakaling ito'y maaari, nang walang malaking kapinsalaan, ay darating ako riyan sa mga buwan ng Mayo o Hulyo sa taong 1885. Sa paglalakbat na itong ninanais kong gawin sa Londres at sa Italya ay binabalak kong mag-aral at magmasid ng ilang bagay, makatungo sa ilang pagawaan, gumawa upang matuto ng isang hanapbuhay, at kasabay nito'y makadalaw sa ilang bantog na klinika ng panggagamot sa mga sakit ng mata, na siya kong binabalak harapin. Mga dalawang buwan ay sasapat na sa bagay na ito, at gugugol ako ng hindi hihigit sa dalawang daang piso. Buhat doon ay tutungo ako sa Napoles at dito ako sasakay ng bapor upang umuwi sa Pilipinas. Ito'y sakaling maluwag na magagawa, at kung hindi naman ay tutulak ako buhat dito, daraan sa Italya, at sasakay ng bapor buhat sa Napoles, bagay na magkakahalaga ng mga limampung pisong higit sa aking pensyon. Ang halagang ito lamang ang binabalak kong gugulin sa paglalakbay na ito. Ito sana ang ninanais kong gawin datapuwa't kung ito'y magugol pa rin, ay binabalak kong tumulak sa Marselya, sumakay sa isang bapor ng Mensagerias na patungong Pilipinas. Hindi ako sasakay sa bapor na Kastila upang makaiwas sa mabibigat na kagustuhang mangyayari. Hindi ako sasakay nang pauwi sa sasakyang ito; kailangang ako'y makauwing malusog at payapa. Ipinakikiusap ko lamang na sapagka't ako'y may utang sa isang kaibigang kababayang nagtiwala sa akin ng halagang isandaang piso, palibhasa'y hindi ninyo ako pinadalhan ng pensyon para sa dalawang buwan at kinakailangan kong magmatrikula, ay ipadala ninyo sa akin ang halagang iyon upang makabayad sa aking utang. Kapag ako'y naririyan na ay sisikapin kong gumawa nang buong makakayanan, upang mapaghilom ang malalim na sugat na ito. Walang pag-aalinlangang ang balak ko noong una ay napakabuti at nakaaakit; na pagkakuha ko ng katibayang pagkadoktor ay maglalakbay sa Alemanya, Inglatera, Italya, Pransya, upang matutuhan ang mga wika ng mga bansang ito, pag-aralan ang pagkakaunlad nila, at maraming iba pa. Datapuwa't ngayon ay di lamang hindi maaaring gawin iyon, kundi makapipinsala pa nang malaki at magiging isang kahangalan kung aalagatain ang kasalukuyan at ang hinaharap. Masisiyahan na ako sa bagay na ito, Diyos na ang bahala sa iba. Hinihintay ko, samakatuwid, ang inyong sagot.